Ikawalo ng Nobyembre
Ikawalo ng Nobyembre, taong dalawang libo at labing anim
Pinayagan ng korte suprema na ilibing ang labi ni Marcos
Sa libingan ng mga bayani
Sasakay ako ng bus pauwi ng probisya
Bitbit ang aking yuping kalupi at isang bayong na mga alaala
Ang bagyo sa aking isip ay hindi maaaninag sa halik ng araw sa kapatagan
Ang tanging laman ng aking pitaka ay isang daang piso at ang inyong larawan
Lolo, hindi pa rin pala ako sanay na hindi niyo na ako pinatatahan
Naalala ko nu’ng ako’y musmos pa
Palagi niyo akong sinasalubong
Pagkagaling ko sa eskwela
Kakalungin niyo ako habang nakaupo kayo sa inyong tumba-tumba
At lahat ng aking mga kwento ay pakikinggan niyong may ngiti sa inyong mga mata
Sa inyong mga biro palagi niyo akong pinapatawa
Lolo, ‘di ko alam
Magaling ka palang magtago ng pagdurusa
Dahil sa inyo ay natuto at nahumaling akong kaibiganin ang mga libro at pahina
Tuwang-tuwa kayo tuwing may matututunan akong bagong salita
Liban na lamang noong isang umaga
Tanong niyo sa akin
Ano’ng natutunan mong bago iha?
Sagot ko naman na buong pagyayabang at pautal-utal pa
“Des-a-pa-ra-ci-dos”
Hanggang ngayon hindi ko pa rin masabi ng tama
Lolo, patawarin niyo ako dahil ‘yun ang unang beses na pinaiyak kita
Noon ay hindi ko maintindihan kung bakit sa bahay ay dalawa lang tayo
Hanggang nu’ng isang gabi ay nakita ko kayo
Tahimik na tumatangis habang niyayapos ang larawan ni tiya
Ang punda ng inyong unan ay ang paboritong blusa ni lola
Makapal ang inyong kumot pero giniginaw pa rin kayo sa kama
Lolo, masakit para sa aking malaman na nagiging litrato at gamit na lamang ang aking pamilya
Matapos noon ay dinalaw na ako ng kamalayan
Pilit niya pinagsiksikan ang sarili niya sa aking isip at doon nanahan
Nabunyag sa akin ang katotohanan ng delubyo na halos isang dekadang diktadurya
Kung paano kayo nanlaban na dugo ang gamit na tinta at ang baril ay pluma
Na sa gitna ng pagdukot kay tiya at kay lola ay pinili niyo pa ring isiwalat ang katotohanan
Lolo, naiintindihan ko na ang bigat ng presyo ng kalayaan
Matagal na kayong pumanaw lolo
Ngunit hanggang ngayon ay nakikita ko pa rin ang mga linya na inukit ng luha at pagkahapo
Ang diktador na umubos sa ating pamilya ay inilibing na sa paraang magarbo
Sabi nila ito ay dahil isa siyang sundalo pero lolo
Paano naman kayong mga nagsakripisyo para makatikim ng kalayaan ang bansang eto
Lolo, hindi ako papayag na hanggang kamatayan ay matatalo nila kayo
Sasakay ako ng bus pauwi ng probinsya
Lilinisin ko ang inyong lapida
Tatabasin ang isang dangkal na damo sa lupa
Pagkatapos ay papanhik ako sa bahay
At uupo sa inyong tumba-tumba
Pakikiramdaman ko ang init ng inyong yakap sa katahimikan
Ang linawag ng inyong ngiti mula sa inyong larawan
Hahawakan ko muli ang luma niyong pluma
Lolo, hayaan niyong ituloy ko ang laban na inyong sinimulan