Mahal, nais kong ipaalam sa iyo
Na ang araw na ito
Ay isang pamamaalam
Pamamaalam sa lahat ng uri ng pamamaalam
Paglayo, sa lahat ng uri ng paglayo
Pagbitaw, sa lahat ng uri ng pagbitaw
Ang araw na ito ay ang ating pagpapatunay
Sa kanilang nagpasya na mapupunta lang din tayo sa paghihiwalay
Sa kanilang kumwistyon sa kung pag-ibig nga ba natin ay tunay
Ang palitan ng ating mga panata’y sigaw
Sa sanlibutang hirap nang maniwala sa walang iwanan
Sa pag-ibig na walang hanggan
Ang araw na ito ay pag-iisa nating dalawa
Nangako na hindi na kailanman mag-iisa ang isa’t isa
Hindi mawawala at mawawalay sa iyong tabi
Saksi natin ang mundo, ang uniberso, maging ang may likha
Sabay sumumpa sa harap ng kanyang dambana na manata
Na habang buhay ay iibigin ang isa’t isa
Sa sakit at kalusugan, sa hirap at ginhawa
Ang ating pag-iisang dibdib
Ang eklipso ng ating mga pusong matagal din nawalay
Sa kabiyak nila, hindi na mahahati, hindi na pahahati
Ang susunod pang bawa’t mga araw ay isa nang panata
Na hindi na kailanman sisikat ang araw na magigising ka’t mag-isa sa iyong kama
Sapagkat kasama ng pangakong mamahalin ka ng habang buhay
Ay ang pag-ako rin sa lahat ng iyong bukas na nakatira tayo sa iisang bahay
At hinaharap ay ating buuin at bunuin ng magkasama
Sa tahanang ako ang haligi at ikaw ang magsisilbing ilaw
Mahal, ang araw na ito ang pagtatapos ng lahat ng katapusan
Ito na ang simula ng ating walang hanggan